Dating matinee idol at beteranong aktor na si Gabby Concepcion, inireklamo

Mismong ang nakakabatang kapatid ni Gabby Concepcion na si Miguel ang siyang nagsampa ng reklamo at personal na nagtungo sa Eastern Police District kung saan nagawa daw mailipat ng aktor ang property ng kanilang pamilya sa kaniyang pangalan sa pamamagitan ng mga pekeng dokumento.

 

Sa reklamo ni Miguel, nakipag-sabwatan daw si Gabby upang mailipat ang lupain ng kaniyang nanay na si Maria Lourdes Arellano Concepcion sa P. Guevarra street, Brgy. Addition hills sa San Juan City kung saan nabili umano ng aktor ang 890 square meters na lupa sa halagang mahigit P4-M.

 

Ayon naman sa abogado ni Miguel na si Atty. Tyronne Cimafranca, pinalabas ni Gabby na pumirma ang kanilang nanay sa Deed of Absolute Sale pero malabo daw na mangyari ito dahil nasa America si Ginang Maria Lourdes.


 

Idinawit din sa reklamo ang asawa ni Gabby na si Genevieve na diumano ay nag-asikaso ng lahat ng pekeng papeles na si Lucy Mijares at isang Atty. Glenn Magnaye na hindi naman rehistrado sa Integrated Bar of the Philippines.

 

Ipinagtataka din ng kampo ni Miguel kung bakit ginawa sa Tagaytay City ang pagno-notaryo gayung mga taga-San Juan City ang pumirma.

 

Nais lang ngayon ni Miguel at ng kaniyang ina na makaharap at makausap si Gabby upang malaman kung bakit niya ito ginawa.

Facebook Comments