Parañaque City – Hinihinalang nahulog at saka nalunod ang isang lalaki sa hinuhukay na drainage ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Parañaque City.
Nakilala ang biktima na si Rodie Moreno, 29-anyos at residente ng Golden Acres, Barangay Talon Uno, Las Piñas City.
Sa imbestigasyon ng Parañaque City Police, natuklasan ng ilang tambay ang bangkay ng lalaki na nakalutang ang ulo mula sa malaking hinuhukay na drainage ng DPWH sa kahabaan ng Quirino Avenue, Barangay San Dionisio, Parañaque City.
Ayon sa mga imbestigador, posibleng lasing ito nang mahulog sa hindi napansing hukay hanggang sa malunod kung saan walang nakalagay na harang maliban sa tali.
Sinabi naman ng mga opisyal ng barangay na mapanganib sa mga nagdadaan lalo na sa gabi ang ginagawang paghuhukay dahil madilim din sa lugar kung saan nahulog ang biktima.