
Tiniyak ng pamunuan ng New NAIA Infrastructure Corporation o NNIC na handa na sila sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong nalalapit na ang Undas.
Ito’y kasunod nang ginawang paginspeksyon ng Department of Transportation (DOTR) at Manila International Airport Authority sa Ninoy Aquino International Airport ngayong araw.
Ayon kay NNIC General Manager Angelito Alvarez, inaasahan nilang papalo sa 1,350,000 ang mga pasahero na gagamit ng terminal.
Mas marami umano ito kumpara noong nakaraang taon sa kaparehas na panahon lalo pa’t kaya na rin ng terminal na mag-accomodate ng mas maraming bilang ng pasahero ngayon.
Samantala, binigyang-diin naman ng Department of Transportation (DOTr) na kapakanan ng pasahero ang iniisip ng gobyerno at ng San Miguel Corporation kung kaya ibinida na rin nila ang facial recognition kiosks o passenger reconciliation system sa terminal 3 na hindi na kailangan ng mano-manong pagpresinta ng boarding pass.
Tuloy-tuloy naman ang inspeksyon na gagawin ng DOTr mula sa mga terminal ng bus, paliparan hanggang sa pantalan sa mga susunod na araw.









