Bantay sarado ng mga awtoridad ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula pa kahapon.
Ito ay dahil sa inaasahang pagdating ng sinibak na Bamban Mayor na si Alice Guo anumang oras o araw makaraang maaresto kahapon ng mga awtoridad sa Indonesia.
Tiniyak ng Bureau of Immigration (BI) sa NAIA na nakahanda sila sa seguridad at magtatalaga rin ng pwersa ng mga tauhan ang National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP-ASG) at MIAA Airport Police Department para sa dadaanan ni Guo hanggang makarating ito sa BI Main Office sa Maynila.
Sa ngayon, nananatili sa kustodya ng Indonesian Police si Guo at inaasikaso pa ang mga kailangang ayusin.
Kahapon, sinabi ng PNP na posibleng lumipad patungong Indonesia sina Interior Secretary Benhur Abalos at PNP Chief Rommel Marbil upang personal na sunduin si Guo pabalik ng Pilipinas.
Wala pang eksaktong petsa o oras kung kailan makababalik ng bansa ang kontrobersiyal na dating alkalde na nahaharap sa patung-patong na kaso.