NAIA, noon pa dapat naisapribado – Sen. Grace Poe

Kung si Senator Grace Poe ang tatanungin, matagal na dapat naisapribado ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay Poe na Chairman ng Senate Committee on Public Services, isa sa mga rekomendasyon sa kanilang committee report kaugnay sa imbestigasyon sa mga aberya sa NAIA ay ang isapribado na ang operasyon ng ‘main gateway’ ng bansa.

Aniya, naiwasan sana ang mga naranasang glitches na nakaperwisyo sa maraming pasahero at nakaapekto sa mga flight schedules kung dati pang na-modernize ang air traffic control at operations ng NAIA.


Kasabay nito, iginiit ng senadora na gaya ng ibang mga concessionaire ay dapat tiyakin na ang mangangasiwang private entity sa NAIA ay epektibong matutupad ang ibibigay sa kanilang tungkulin na ayusin at pagandahin ang air services sa bansa.

Iminungkahi ni Poe na obligahin ng gobyerno ang NAIA na magpakita ng accomplishment timeline, performance matrix at penalties para sa anumang pagkukulang.

Dagdag pa ni Poe na maaaring gayahing template ng pamahalaan ang Mactan-Cebu International Airport na napaganda ang mga pasilidad at serbisyo sa tulong ng isang private consortium.

Facebook Comments