Manila, Philippines – Sasailalim sa automatic review ng Department of Justice ang kaso ni Dangerous Drugs Board chairman Dionisio Santiago.
Ito ang kinumpirma ni Justice Undersecretary Erickson Balmes makaraang mabasura ang kaso laban kay Santiago.
Sinabi ni Balmes na lahat ng nababasurang kaso sa kagawaran ay sumasailalim sa automatic review.
Nag-ugat ang kaso makaraang kumuha ng serbisyo si noo’y PDEA Chief Santiago sa isang incinerator firm para sa mga nakukumpiska nilang mga droga sa operasyon.
Pero nabatid na ang contractor pala nang nasabing incinerator firm ay ibinebenta ang mga droga na nasasabat ng PDEA.
Inaksyunan ito ng PDEA pero pinigilan pa sila ni Santiago.
Ang nasabing kaso laban kay Santiago ay naibasura noong panahon ng Aquino Administration kung saan ang Prosecutor General pa noon ay si PG Claro Arellano at ang kalihim ng DOJ ay si Justice Sec Leila de Lima.
Matatandaang personal na inirekumenda ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre si Santiago kay Pangulong Rodrigo Duterte para maging pinuno ng Bureau of Corrections.
Ang BuCor ang siyang nangangasiwa sa New Bilibid Prisons na talamak ang kalakaran ng iligal na droga.