Manila, Philippines – Naibigay na ng Philippine National Police (PNP) sa Supreme Court (SC) ang case folders ng kalahati sa mahigit apat na libong namatay sa gyera kontra droga ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde ang Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) at Directorate for Operation (DO) ang nagsumite ng mga dokumento sa SC.
Habang patuloy na kinakalap ng PNP ang karagdagang pang dokumento sa case folders na iba pang nasawi sa war on drugs upang maisumite na rin sa Supreme Court (SC).
Sa datos ng PNP mula July 1, 2016 hanggang May 15, 2018 umabot na sa 4,729 ang namatay dahil sa war on drugs.
Una nang iniutos ng Supreme Court (SC) sa PNP ang pagsusumite ng case folders ng mga nasawi sa anti-illegal drugs operation ng PNP ito ay upang matukoy kung totoong nanlaban ang mga ito nang isagawa ang operasyon.
Tiniyak naman ni Albayalde na kung mapapatunayang may paglabag ang kanyang mga pulis sa mga ikinasang operasyon ay makakasuhan ang mga ito.