Manila, Philippines – Naniniwala si Dangerous Drugs Board Chairman Dionisio Santiago na mali ang naibigay na payo kay Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagpapatayo ng mega rehab center sa Laur, Nueva Ecija.
Ayon kay Santiago, ang dapat na ipinatayo ay yung mga community based rehab center para madaling makakadalaw ang mga kamag-anak ng mga drug surrenderee.
Matatandaang ipinagmalaki pa mismo ni Pangulong Duterte na sampung libong drug dependent ang kasya sa naturang pasilidad pero nasa apatnaraang (400) pasyente lamang ang naroon ngayon.
Katwiran pa ni Santiago, karamihan sa mga ito ay hindi na kailangang i-confine kaya pwede na ang 100 bed capacity.
Isa pa aniya, mayorya rin sa mga drug dependent ay nangangailangan lamang ng counseling at monitoring.
Hindi naman tinanggap ng Department of Health na nagkamali sa pagpapatayo ng mega rehab center.
Sabi ni DOH disease prevention and control bureau Director III Dr. Lyndon Lee Suy – kung sakali man na hindi magamit ang buong gusali ay pwede pa naman itong gamitin sa ibang bagay.