Sulu – Nailigtas ng tropa ng Marine Batallion Landing Team 3 ang isa sa mga bihag ng Abu sayyaf Group sa Sitio Budjang, Barangay Libog Kabao, Panglima Estino, Sulu.
Sa ulat ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force Sulu Commander Brigadier General Cirilito Sobejana ang na-rescue ay kinilalang si Blas Jackosalim Ahamad residente ng Sitio Palar, Barangay Gandasuli, Patikul, Sulu.
Si Blas Jackosalim Ahamad, ay isa sa apat na indibidwal na dinukot noong April 29, 2018 kasama ang dalawang babaeng pulis ng grupo nina Sub leader Almujer Yadah.
Agad na isinailalim sa custodial debriefing at medical examination ng Joint Task Force Sulu Headquarters sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital sa Busbus, Jolo, Sulu ang nailigtas na kidnap victim.
Samantala nitong ika -5 ng Mayo naman pinalaya ng Abu sayyaf Group ang kanilang bihag na si Faizal Ahidji sa Sitio Daang Puti Barangay Bangkal Patikul, Sulu.
Isa rin sya sa apat na dinukot noong April 29 kasama ang dalawang babaeng pulis sa Barangay Liang Patikul, Sulu.
Patuloy naman ngayon ang rescue operation ng militar sa lugar para mailigtas ang natitira pang bihag ng mga bandido.
Nanatili rin ang paninindigan ng militar na paiiralin ang no ransom policy ngunit tiniyak na ginagawa nila ang lahat para mailigtas ng buhay ang mga bihag pa ng Abu Sayyaf Group.