Naimprentang defective ballots, aabot na sa 106,000

Aabot na sa humigit-kumulang 106,000 ang mga naimprentang depektibong balota ng National Printing Office (NPO).

Sa pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms tungkol sa update sa paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) para sa May 2022 election, ay ginisa ni Committee Vice Chair Elpidio Barzaga ang komisyon ukol sa pag-iimprenta ng balota sa nalalapit na halalan.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, ang mga depektibong balota ay imprenta mula sa lumang printers ng NPO.


Ang mga defective ballots ay karaniwang may “smudges” o mantsa ng ink, mali ang pag-cut o paghati ng makina, mali ang linya at iba ang kulay.

Tiniyak ng opisyal na lahat ng depektibong balota ay binibilang at pagkatapos ay susunugin at ito ay ipapaalam muna sa lahat ng political parties.

Dagdag pa ni Garcia, nananatiling “committed” ang Comelec sa “transparency” sa pag-imprenta ng mga balota.

Facebook Comments