Naipamahagi ng DSWD para sa second tranche ng SAP, mahigit P42 bilyon na; mga drivers na hindi nabigyan ng unang ayuda, vina-validate na ng kagawaran

Umabot na sa 42.8 bilyong piso ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 2nd tranche ng Social Amelioration Program (SAP).

Ayon kay DSWD Sec. Rolando Bautista, ang nasabing halaga ay naipamahagi sa 6,375,409 na pamilyang benepisyaryo sa pamamagitan ng manual at digital payouts.

Kabilang sa mga tumanggap ng ikalawang bugso ng ayuda ay ang mahigit 1.3 milyong pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), higit 3.2 milyong low- income non-4Ps members, at mahigit 1.8 million waitlisted families.


Sinabi din ni Bautista na umabot na sa 98,132 na mga drivers ng Transport Network Vehicle Service (TNVS), taxis at Public Utility Vehicle (PUV) sa National Capital Region (NCR) ang nabigyan ng ayuda na nagkakahalaga ng P795,056,000.

Ang mga driver naman na hindi nakasama sa certified list ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay ini-refer sa field offices ng DSWD para sa validation at maisama sa waitlisted.

Facebook Comments