Aabot na sa 97% ang naipapamahagi sa ikalawang bugso ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa pagharap ni DSWD Secretary Rolando Bautista sa pagdinig para sa 2021 national budget, sinabi nito na 97% na ang completion o accomplishment ng SAP distribution o 3% na lamang ay matatapos na nila ang pamamahagi nito para sa 14.1 million household na beneficiaries.
Aabot aniya sa ₱82.7 billion ang kanilang naipamahagi na 2nd tranche ng SAP sa pamamagitan ng direct payout at digital payment.
Paliwanag naman ni DSWD Usec. Danilo Pamonag, hindi pa natatapos ang pamamahagi ng 2nd tranche ng SAP dahil mayroon pang 18,000 pangalan na hinihintay pang ma-upload ng mga Local Government Units (LGUs) habang mayroon pang 70,000 ang naghihintay ng validation.
Sa kabuuan ay mayroong ₱206.6 billion na pondo ang DSWD para sa SAP kung saan ₱197 billion dito ay inilabas ng Budget Management habang ₱10.6 billion dito ay mula sa ini-realigned na regular na pondo ng kagawaran.
Para naman sa taong 2021, mayroong ₱171.22 billion na panukalang pondo ang DSWD at mga attached agencies nito na mas mataas ng 4.5% sa 2020 budget.