NAISUBASTANG SASAKYAN NG LTO CAUAYAN, TATLO LAMANG MULA SA 235 UNITS

Tatlong (3) units lamang ng behikulo mula sa 235 na units ang matagumpay na naisubasta sa isinagawang bidding ng LTO Cauayan.

Sa ating panayam kay Ginoong Deo Salud, Senior Supervising Transportation Regulation Officer 1 ng LTO Cauayan, ang tatlong (3) naisubastang mga sasakyan ay kinabibilangan ng isang tricycle na may bidding number na 74 na nagkakahalaga ng mahigit P21,000; number 143 na may presyong halos P23,000 at isang kolong-kolong na nabili naman sa halagang mahigit P28,000.

Samantala, aminado naman ang LTO Cauayan na masyadong mataas ang naging presyo ng bawat yunit sa nasabing bidding kaya hindi ito pinatos ng mga nakilahok sa bidding.

Gayunpaman, ipinaliwanag ni Ginoong Salud na ibinase lamang ang presyo ng mga ipinasubastang yunit sa naitalang violation ng may-ari at idinagdag na rin sa computation ang impounding fee na nagkakahalaga ng P15 kada araw.

Ang mga isinubastang sasakyan na kinabibilangan ng motorsiklo, kolong-kolong at 4-wheel vehicle ay naimpound na ng mahigit dalawang (2) taon.

Ayon pa kay Ginoong Salud, ang mga nalikom na halaga mula sa nasabing subastahan ay mapupunta umano sa Kaban ng Bayan.

Facebook Comments