NAITALA | Nasawi sa pananalasa ng typhoon Ompong, 25 na!

Manila, Philippines – Umabot na sa 25 ang bilang ng nasawi sa pananalasa ng bagyong Ompong.

Ayon kay Presidential Political Adviser Francis Tolentino – 20 sa mga nasawi ay mula sa Cordillera Administrative Region, apat sa Nueva Vizcaya at isa mula sa Ilocos Region.

Kabilang sa mga nasawi sa CAR ay ang anim na miyembro ng pamilya matapos matabunan ng lupa ang kanilang bahay dahil sa landslide sa Baguio City.


Dead on arrival din sa ospital ang isang residente sa kalinga na nabagsakan naman ng bato dahil sa soil erosion.

Bukod dito, may 18 pa ang sugatan habang 13 ang nawawala.

Bineberipika pa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga naturang report.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Dir. Edgar Posadas – sa ngayon, naka-focus muna sila sa rescue operations at pagtugon sa pangunahing pangangailan ng mga residenteng naapektuhan ng bagyo.

Sa ngayon, zero casualty pa rin sa Cagayan at Isabela na siyang pinakatinumbok ng bagyong Ompong.

Samantala, bagama’t wala pang hawak na eksaktong datos, sinabi ni gov. bojie dy na pinakamalaking pinsalang iniwan ng bagyo ay sa agrikultura ng Isabela.

Habang sa Cagayan, sinabi ni Gov. Manuel Mamba na umabot sa 124,000 na mga magsasaka ang apektado ng bagyong ompong at nasa P4.6-billion na ngayon ang iniwang pinsala nito.

Facebook Comments