Patuloy na dumami ang naitatalang mahihinang pagyanig sa paligid ng Bulkang Taal sa nakalipas na 24 na oras.
Ito ay batay sa inilabas na bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) kung saan umabot ngayon sa 91 tremor episodes ang naitala sa Bulkang Taal.
Mas mataas ito mula sa 69 noong Miyerkules kung saan tumatagal pa ito mula sa isa hanggang limang minuto.
Kaugnay niyan, bumaba naman ang inilabas na steam-laden plumes ng bulkan at umabot na lamang ng 5 metro mula sa 20-meters kahapon.
Nananatili ang alert level 1 sa Bulkang Taal at ibinabala ng PHIVOLCS na posible pa rin ang phreatic eruption na nangyari noong Enero ng nakaraang taon.
Una nang pinalikas ng mga otoridad ang mga residenteng nakatira sa Taal Volcano Island at bumabalik lamang ang mga ito nang panandalian para silipin ang kanilang mga kabuhayan.