Manila, Philippines – Tiniyak ng Malacañang na kumikilos ang economic managers ng pamahalaan para makabawi sa naitalang economic growth ng bansa para sa second quarter ng taong ito.
Ito ang pahayag ng Palasyo kasunod ng ulat na umabot lang sa 5.5 percent ang gross domestic product (GDP) ng bansa sa second quarter ng 2019.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, pansamantala lang ang naitalang pagbagal sa usad ng paglago ng ekonomiya batay na rin sa kanilang pakikipag-ugnayan sa economic team ng administrasyon.
Ginagawan na ani Panelo ng paraan ng mga economic managers at bahala na aniyang i-detalye ng National Economic and Development Authority (NEDA) kung anong hakbang ang mga dapat gawin para makabawi sa hindi naging magandang resulta ng economic growth ng bansa nitong nagdaang second quarter.
Anim hanggang pitong porsiyentong pag-lago ang target sana ng pamahalaan pero umabot lang ito sa 5.6 percent na pinakamababa sa nakalipas na 17 quarters.