Naitalang sunog dahil sa mga paputok ngayong taon, umabot na sa 19 – BFP

Walong araw bago pumasok ang 2023, aabot na sa 19 na insidente ng sunog ang naitala ng Bureau of Fire Protection (BFP) dahil sa mga paputok ngayong taon.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni BFP Spokesperson Superintendent Annalee Atienza na malayo ang naturang bilang kumpara noong nakaraang taon na walang naitalang sunog dahil sa paputok.

Umaasa aniya ang BFP na hindi na ito madadagdagan pa lalo na ngayong nalalapit na ang pagsalubong sa Bagong-Taon.


Kasunod nito, tiniyak naman ni Atienza na sapat ang kanilang pwersa para rumesponde sa mga lugar sakali man may maitalang insidente ng sunog.

Dagdag pa ni Atienza, aminado ang BFP na hirap silang alamin ang lahat na nagbebenta ng mga iligal na paputok dahil ilang sa mga ito ay itinatago sa residential area.

Kaugnay nito, nanawagan ang BFP sa publiko na agad makipag-ugnayan sa mga awtoridad sa oras na may makita silang nagbebenta ng iligal na paputok.

Pinaalalahanan naman ni Atienza na agad tumawag sa 911 kung sakali man magkaroon ng sunog sa kanilang lugar.

Facebook Comments