Umakyat pa sa 19 ang validated election-related violent incidence, ayon sa Armed Forces of Philippines.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Ramon Zagala, karamihan dito ay nangyari sa Central Mindanao at Basilan.
Nadagdag sa bilang ang insidente ng paghahagis ng granada sa Datu Piang na isa sa anim na bayan sa Maguindanao na nakasailalim sa Comelec control.
Pero sabi ni Zagala, mababa pa rin ang bilang na ito kumpara sa 133 validated election-related violence na naitala noong 2016 at sa 60 na naiulat noong 2019.
Sa ngayon, wala namang natatanggap na ulat ang AFP na sangkot ang ilang teroristang grupo sa nangyaring gulo sa kasagsagan ng botohan.
Sa halip, bunsod aniya ito ng matinding political rivalry at away sa pagitan ng kanilang mga supporter.
Sa huli, tiniyak ni Zagala na patuloy silang mababantay hanggang sa matapos ang buong electoral process.