Naka-unipormeng pulis sa QC na namaril ng palaboy, pekeng pulis ayon sa QCPD

Pekeng pulis umano ang namaril sa isang palaboy na may kapansanan sa pag-iisip sa Quezon City.

Sa isang press briefing sa Kampo Karingal, kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Remus Medina ang suspek na si Aurello Ramos IV, 25, nakatira sa No. 8 Malinyas St. corner Lourdes Castillo, Brgy. Don Manuel Quezon City.

Sa report ng QCPD Galas Police Station (PS-11), naglalakad ang ‘di pa nakilalang palaboy sa kalagitnaan ng D. Tuazon St. Brgy. Don Manuel nang dumaan ang suspek sakay ng Hyundai Tucson na may plakang UQX 191.


Dahil nasa gitna ng kalye ang palaboy ay binusinahan ni Aurelio ang biktima subalit sa halip na tumabi sa gilid ay lumapit ang palaboy at dinuraan ang sasakyan ng suspek.

Galit na bumaba ang nasabing suspek na nakasuot ng uniporme ng pulis, at binunot ang baril saka malapitang pinaputukan ang palaboy na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pang inoobserbahan sa Quezon City General Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa dibdib.

Sa follow-up operation ang mga tauhan ng PS 11 ay nakakalap sila ng kopya ng CCTV footages sa pinangyarihan ng krimen at nang makita ang plaka ng kotse ay agad silang nakipag-ugnayan sa Land Transportation Office (LTO) upang beripikahin ang may-ari ng nasabing sasakyan kaya natunton ang pagkakilanlan ng suspek.

Nabatid na nabili umano ng suspek ang kanyang ginamit na uniporme sa pamamagitan ng online shopping.

Nakumpiska mula sa suspek ang (1) ARMSCOR caliber 45 pistol, na may magazine at pitong (7) bala, ang Hyundal Tucson na ginamit nito ng isagawa ang pamamamril, Isang set ng PNP field pixelized uniform, valid LTOPF, valid firearms registration ID at expired Permit to Carry Outside Residence ID.

Mahaharap ang suspek sa kasong Frustrated Homicide, R.A. 10591 (Comprehensive Firearms at Ammunition Regulation Act). Article 117 (Usurpation of Authority) and Article 179 (Illegal Use of Uniforms and Insignia) of the Revised Penal Code.

Facebook Comments