Nanawagan si Deputy Speaker Bernadette Herrera sa mga bangko na ipahinto ang nakaambang na dagdag singil sa transaksyon sa paggamit ng Automated Teller Machine (ATM).
Salig kasi sa memorandum na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay magtataas ng rate ang mga bangko sa ATM simula sa Abril 7.
Ibig sabihin, ang dating P10 hanggang P15 na charge sa withdrawal sa mga ATM ay tataas na sa P18 habang magpapataw na rin ng P1 hanggang P2 para sa balance inquiry gamit ang ATM.
Apela ni Herrera, huwag munang magdagdag ng singil sa ATM transactions habang nakararanas pa ang bansa ng COVID-19 pandemic.
Giit ng mambabatas, hindi katanggap-tanggap na sa kabila ng krisis at paghihirap ng marami ay nagawa pa ng mga bangko na magtaas ng singil.
Aniya, dapat na matiyak na nabibigyan ng paraan ang mga Pilipino na makabangon sa epekto ng pandemya at isa rito ay pagsiguro na ang kanilang mga pera ay mapakikinabangan nang husto at hindi mapupunta sa mga dagdag na singil o bayarin ng mga bangko.