Nakaambang P6-P10 dagdag-presyo sa bigas, dapat na aksyunan agad ng DA – Bantay Bigas

Pinaaaksyunan ng grupong Bantay Bigas sa Department of Agriculture ang umano’y nagbabadyang taas-presyo sa bigas.

Una rito, inanunsyo ng ahensya na posibleng magmahal ng anim hanggang sampung piso ang kada kilo ng regular milled rice bunsod ng mataas na rice production costs.

Ayon kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo, dapat na aksyunan agad ito ng DA sa pamamagitan ng pagbibigay ng subsidiya sa mga magsasaka.


Aniya, marami na kasi sa mga magsasaka ang nagdadalawang-isip na magtanim dahil sa napakamahal na presyo ng gasolina, abono at renta sa makina.

Bukod dito, hindi rin sapat ang ipinamamahaging binhi ng ahensya.

Isinisi naman ni Estavillo sa kapabayaan ng gobyerno sa industriya ng pagsasaka ang nakaambang food crisis sa bansa.

Giit niya, masyado kasing iniasa ng pamahalaan sa importasyon ang kakapusan sa pagkain habang napakababa rin ng pondong inilalaan sa sektor ng agrikultura.

Tinawag din niya na “suntok sa buwan” ang pangako ng papasok na administrasyong Marcos na P20 per kilo na presyo ng bigas.

“Bago niya magawa yan e i-repeal niya yung RA 11203 [Rice Liberalization Law]. Kasi doon sa batas na yun ay tinalian ang gobyerno na mag-intervene sa pricing ng bigas sa mercado dahil, yun nga, yung pangako ng RA 11203 na paabutin sa P25 per kilo yung presyo ng bigas sa mercado pero sa 3 years na yan, walang P25 na bigas tayong nakikita sa merkado dahil ulit doon sa ipinaubaya ng gobyerno ang pagpepresyo ng bigas sa mga trader, sa mga miller sa mga importer, ‘no?” giit ni Estavillo sa panayam ng DZXL558 RMN Manila.

Facebook Comments