Nagpahayag ng pangamba si Senador Win Gatchalian sa nakaambang na pagsasara ng oil refinery sa Limay, Bataan ng Petron Corporation dahil sa malaking pagkalugi dahil sa COVID-19 pandemic.
Dahil dito ay nananawagan si Gatchalian sa gobyerno na gawin ang lahat para maisalba ang operasyon ng Petron refinery at maisalba rin ang trabaho ng mga empleyado nito para hindi maging kawawa ang kanilang pamilya ngayong may pandemya.
Ipinunto pa ni Gatchalian na ang refinery ay isang mahalagang industriya sa mga umuunlad na bansa dahil may dala itong value-added products.
Paliwanag ni Gatchalian, sakaling matuloy ang plano ng Petron, ay nakaasa na sa kamay ng mga foreign suppliers ang suplay at presyo ng langis sa bansa.
Tinukoy pa ni Gatchalian ang record ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau na mahigit sa kalahati o 59.5% ng kabuuang refinery production noong 2019 ang naproseso ng Petron.
Nasa 20.61% naman ang naisuplay ng kompanya sa kabuuang pangangailangan ng bansa sa produktong petrolyo noong nakaraang taon.