Nakaambang pagtaas sa ATM transaction fees, iimbestigahan ng Senado

Manila, Philippines – Ikinakasa na ni Senator Grace Poe ang pagdinig ng pinamumunuan niyang Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, ukol sa nakaambang pagtaas ng singil sa mga transaksyon sa automated teller machine o ATM.

Batayan ng pagdinig ang mga report na nakatakdang itaas ng mga bangko ng 36 hanggang 50 porsyento ang kanilang ATM fees na sa ngayon ay nasa 10-15 pesos kada interbank withdrawals at 2 piso kada interbank balance inquiry.

Ito ay makaraang alisin na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang moratorium sa ATM fee increases.


Dismayado si Poe dahil maliit na nga ang interes sa savings ay itataas pa ang singil sa balance inquiry hanggang sa withdrawal.

Kung tutuusin ayon kay Poe, para tayong nagpapahiram ng pera sa bangko kapag itinatabi natin ito sa ATM kaya hindi makatwiran na itaas ang singil kapag ito ay atin nang wini-withdraw at sa ibang transaksyon.

Facebook Comments