NAKAHANDA NA | Mga preparasyon para sa Semana Santa, inihahanda na; MMDA, naglabas ng abiso hinggil sa isasarang lane sa Edsa

Manila, Philippines – Kasado na ang ilang hakbang ng mga otoridad para
matiyak ang mapayapang paggunita sa Semana Santa.

Ayon kay Chief Inspector Bryan Gregorio, ng PNP public information office,
nakalatag na ang seguridad na kanilang ipatutupad sa mga pampublikong lugar
tulad ng mga istasyon ng bus, daungan, paliparan maging sa mga simbahan.

Nakahanda na rin aniya ang mga police assistance desk na siyang tutugon
naman sa pangunahing pangangailangan ng publiko.


Mahalaga rin aniyang alalahanin ng mga motorista ang blowbagets na ang ibig
sabihin ay batteries, lights, oil, water, break, air, gas, engine, tools at
self o sarili.

Kasabay nito, umapela naman si MMDA Spokesperson Celine Pialago sa mga
motorista na maging desiplinado para maiwasan ang insidente.

Nag-abiso rin ang MMDA sa publiko na isasara ang ilang lane sa Edsa sa
Semana Santa.

Ilang lane ng Edsa southbound ang isasara simula Marso 28, Holy Wednesday,
hanggang Abril 2, Lunes para bigyang daan ang mga road repair o pagsasaayos
sa mga kalsada.

Bukod dito, may iskedyul ding repair sa Edsa southbound lanes sa mga Abril
27 hanggang 30, May 11 hanggang 14, May 25 hanggang 28 at June 1 hanggang 4.

Facebook Comments