Manila, Philippines – Handang magbitiw si Special Assistant to the President Secretary Bong Go.
Ito ang sinabi ng kalihim matapos makaladkad ang kanyang pangalan sa frigate transaction ng Philippine Navy na inaakusa ng Rappler.
Sa pahayag ni Go na ipinadala sa Malacanang Press Corps ay sinabi nito na hindi makatarungang idawit ang kanyang pangalan sa issue dahil wala talaga siyang alam sa frigate transaction ng Department of National Defense.
Iginiit ni Go na hindi niya nakita ang kontrobersiyal na dokumento na ayon sa Rappler ay galing sa kanya o iniabot pa niya umano kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Paliwanag pa ni Go na ang Frigate Project ay 2016 pa o sa panahon pa ni dating Pangulong Noy-Noy Aquino.
Kung mapatutunayan aniya ng Rappler na nakialam siya sa transaksyon ay handa siyang magbitiw sa posisyon.
Matatandaan na sinabi ni Pangulong Duterte na sisibakin niya mismo si Go sa posisyon kung mapatutunayang nakialam ito sa mga transaksyon ng DND.