Manila, Philippines – Dumepensa ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa disenyo ng Overseas Filipino Worker (OFW) ID na may mukha ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay DOLE Sec. Silvestre Bello III, sila ang gumawa ng disenyo ng iDOLE card at sinadyang lagyan ito ng imahe ng pangulo na nakasaludo.
Una nang inilunsad ang iDOLE card sa ika-84 anibersaryo ng ahensya na layong mapabilis ang mga transaksiyon ng mga OFW dahil ilalagay dito karamihan ng kanilang impormasyon.
Kasabay nito, binanatan ni Bello ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na narinig niyang kumokontra sa disenyo ng ID.
Gayunman, nakahanda aniya silang palitan ang disenyo ng card kung marami ang magrereklamong OFW.
Sa tala ng DOLE, nasa 5,000 na ang nagpa-register para makakuha ng libreng iDOLE card.
Inanunsiyo rin ni Bello na ilulunsad na rin sa Enero 2018 ang ipinangakong OFW bank ng administrasyon.