Nakainitan sa Inuman, Sinaksak!

Ramon, Isabela- Pinagsasaksak ang isang lalaki matapos makipag inuman alas singko ng hapon kahapon, January 1, 2018 sa Purok 6, Raniag, Ramon, Isabela.

Nakilala ang biktima na si Reneboy Umutoy, 29 anyos, binata, magsasaka at residente ng San Antonio, Ilagan City, Isabela.

Kinilala naman ang suspek na si Jerome Sunga, 35 anyos, may asawa, tricycle driver at tubong Purok 6, Raniag, Ramon, Isabela.


Sa ibinahaging impormasyon ng PNP Ramon, nag-iinuman sina Reneboy at Jerome kasama ang kanilang mga kamag-anak nang magkainitan ng ang dalawa.

Umuwi si Jerome sa kanyang bahay at bumalik itong may dalang kutsilyo at pinagsasaksak sa tiyan at kamay si Reneboy.

Agad namang isinugod ng pamilya sa pagamutan ang biktima kung saan patuloy na inoobserbahan ang kanyang kalagayan.

Kusa namang sumuko sa mga pulis ang suspek na sasailalim sa imbestigasyon ukol sa nangyaring pananaksak.

Facebook Comments