“Nakakalito… tulad nun (limang pisong bago) puti, parang piso… malulugi ako kapag nagkamali… Hindi maganda yun.” Iyan ang tanging naibulalas ni Ginang Erlinda Mercado, edad 57 na isang cook at tindera sa isang kantina sa Dagupan City. Ito ay dahil sa panibagong series ng Philippine Currency, partikular na ng mga barya o ang New Generation of Coins Series na nagsimulang mag-circulate sa buong bansa, noong buwan ng Marso at pormal na ilulunsad sa July 2018, kasabay ng selebrasyon ng anibersaryo ng BSP.
Kaakibat ng bagong serye ng mga barya ay ang new and improved aesthetics na kung saan ay tampok ang iba’t ibang uri ng mga halaman na endemic o sa Pilipinas lamang matatagpuan. Ilan sa mga ito ay ang waling-waling na matatagpuan sa piso (Php 1.00) kasama ang pambansang bayani nating si Dr. Jose Rizal, ang limang piso (Php 5.00) na may tayabak plant sa likurang bahagi nito, at ang sampung piso (Php 10.00) na ipinakita ang halamang kapa-kapa sa likurang bahagi pa rin nito. Ibinida ng BSP ang upgrader security features ng mga barya na makapagpapahirap sa mga namemeke ng pera upang gayahin.
Bagama’t umani ng samu’t saring reaksiyon lalong-lalo na sa social media, pasubali ng BSP sa publiko ay bigyang-pagkakataon ang mga bagong barya sapagkat ito ay isa rin sa mga bagay na dapat pinahahalagahan ng bawat Pilipino. Bilang karagdagan, ito ay para rin diumano, matuto ang mga mamamayan na i-tsek muna ang barya bago ito gamiting pambayad o panukli.
Ulat ni Melody Dawn C. Valenton