Nakitaan ng Food and Drug Administration (FDA) ng methanol ang mga lambanog na ikinamatay ng ilang nakainom nito.
Ayon kay FDA Director General Charade Puno, lumalabas na 11.7 percent ang methanol content ng lambanog na nainom ng mga biktima sa Laguna; 16 percent sa sample ng lambanog na nakuha Antipolo City at 21.8 percent mula sa sample na nainom sa Pampanga.
Paliwanag ni Puno, hindi kaagad malalaman ng mga biktima na nalalason na sila dahil ang epekto nito sa pakiramdam ay tila lasing lang sila.
Sabi ng FDA, dahil sa bahay lang ginagawa ang marami sa lambanog, walang sapat na teknolohiya para maihiwalay ang nakalalasong methanol mula sa nakalalasing na inumin.
Dagdag na peligro rin anila ang mga materyales na ginagamit sa pagre-repack ng mga lambanog tulad ng plastic.
Kasalukuyan pang hinihintay ng FDA ang resulta ng pagsusuri sa sample ng lambanog na nainom sa Quezon City, Calamba at Sta. Rosa, Laguna.