Manila, Philippines – Sinang ayunan nina Senators Win Gatchalian, Migz Zubiri, Ping Lacson at Gringo Honasan ang desisyon ng Supreme Court na pumapabor sa deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law sa buong Mindanao.
Giit ni Gatchalian, ngayong nagsalita na ang kataas taasang hukuman ay dapag isantabi na ang politika at sa halip ay magtulungan na lang ang lahat para ibangon ang Marawi City.
Dagdag pa ni Gatchalian, dahil sa nabanggit na SC ruling ay malaya na si Pangulong Duterte na gawin ang lahat ng paraan para tuluyang sugpuin ang Maute terrorists.
Si Senator Zubiri naman ay nakahinga ng maluwag sapagkat maipagpapatuloy na govt. security forces ang kanilang pagtugis sa mga terorista sa bahagi ng Mindanao.
Hiling ni Zubiri sa pamahalaan, tutukan na rin ang rehabilitation plan sa Marawi para maibalik ang normal na sitwasyon at pagpapaunlad sa ekonomiya ng rehiyon.
Diin naman ni Senator Lacson, napatunayan ngayon na tama ang kanilang pagsuporta sa idineklarang martial law ng pangulo.
Kaugnay nito ay umaasa si Senator Lacson na walang senador ang magaakusa sa mga mahistrado ng supreme court bilang mga duwag at tuta ng administrasyong duterte.
Para naman kay Senator Honasan, ang pasya ng high tribunal ay nagpapatunay ng pag-iral ng demokrasya sa bansa kung saan nagagampanan ng maayos ng kongreso, ehekutibo at hudikatura ang kani kanilang mga mandato.
Una rito ay nagbigay na rin ng pahayag ng pagpabor sa nabanggit na SC ruling sina Senate Prsident Koko Pimentel at sina Senators JV Ejercito, Richard Gordon, Joel Villanueva at Senator Angara.
Bagamat nasa oposisyon naman ay nagpahayag ng pagrespeto sa naturang SC ruling sina Senators Franklin Drilon, Bam Aquino, Kiko Pangilinan at Antonio Trillanes IV.