Cauayan City, Isabela- Posibleng may sugatan sa panig ng rebeldeng grupo matapos sumiklab ang palitan ng putok ng baril dakong 10:30 kaninang umaga sa bahagi ng San Mariano Sur, San Guillermo, Isabela.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Army Major Jekyll Dulawan, DPAO Chief ng 5th Infantry Division Philippine Army, may mga stain o bahid ng dugo sa lugar kung saan nakasagupa ng Charlie company ng 86th Infantry Battalion ang mga miyembro ng CPP-NPA.
Aniya, higit kumulang 15 miyembro ng NPA na posibleng pinamumunuan ng isang alyas ‘BRAG’ ang nakasagupa ng mga tropa ng sundalo.
Hindi pa aniya matukoy kung anong grupo ang nakaengkwentro ng pamahalaan subalit posibleng ito ang mga nalalabing miyembro ng makakaliwang grupo na kumikilos sa Southern at Central Isabela.
Makaraan ang isinagawang clearing operation sa pinangyarihan ng bakbakan ay tumambad naman ang ilang gamit ng mga NPA gaya ng dalawang (2) magazine ng 5.56 na may 23 live ammunition, 70 meters wire, blasting cap, isang (1) motorcycle battery at iba pa.
Nag-ugat ang nasabing engkwentro matapos magtungo sa lugar ang mga kasundaluhan upang tugunan ang natanggap na sumbong ng mga residente dahil sa presensya ng makakaliwang grupo.
Maswerte namang walang naitalang sugatan sa panig ng militar matapos ang insidente.
Pagtitiyak din ng opisyal na tuloy-tuloy ang gagawing pagpapatrolya sa lugar para masigurong ligtas ang mga residente.