Manila, Philippines – Bubusisiin ng Senate Committee on Economic Affairs na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian ang gagawing pag-utang ng pamahalaan sa China, iba pang bansa at financial institution.
Ito ay para ipang-pondo sa 59 mula sa 75 flagship projects sa ilalim ng Build Build Build Program ng administrasyong Duterte.
Tinukoy sa Senate Resolution number 221 na inihain ni Gatchalian na 19 mula sa 59 ay iuutang sa China ng 515 billion pesos.
Batid ni Gatchalian ang kahalagahan ng mga proyektong pang-imprastratura para mapasigla ang ekonomiya.
Pero katwiran ni Gatchalian, kailangang makita ng mga taxpayer ang praktikalidad ng pag-utang at kung paano ito mababayaran ang mga ito.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na ang pagbabayad sa utang at sa tubo o interes nito ay maaring makaapekto pagba-budget ng gobyerno para sa edukasyon, kalusugan at iba pang pangangailangan ng mamamayan.
Target din ng gagawin pagdinig ng Senado na malaman kung kasama sa kondisyon ng pag-utang ang pagkuha din ng mga Chinese workers para sa konstruksyon ng mga infrastructure projects kung saan maaagawan ng trabaho ang mga manggagawang Pilipino.