Ipinagpaliban muna ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ang nakatakdang pag-uusap nila ng Metro Pacific Tollway Corporation (MPTC).
Hinggil ito sa suspensiyon ng business permit ng North Luzon Expressway (NLEX) tollway operator, kung saan pinaplano umano ng NLEX na magsampa ng Temporary Restraining Order (TRO) sa suspensiyon.
Ayon kay Gatchalian, napakinggan niya sa isang radio interview na tila nagbanta si MPTC Chief Communications Officer Romulo Quimbo na magtutungo ito sa korte.
Handa naman aniya si Gatchalian sa pagsasampa nito ng kaso, pero titiyakin niyang dedepensa sila dahil nasa legal ground ang panig ng lungsod.
Nabatid na nitong lunes nang suspendihin ng Valenzuela ang business permit ng NLEX operator dahil sa kabiguan nitong maisaayos ng mabuti ang kanilang serbisyo, partikular ang Radio-Frequency Identification (RFID) scanners.
Kasama sa kondisyon ng lokal na pamahalaan ay ang solusyon ng MPTC sa technology glitches nito tulad ng nawawalang load at palyadong RFID sensors, petsa kung kailan ito maisasaayos, at ang pagkakaroon ng performance index para mayroong monitoring mechanism.