Ipinagpaliban ng Senado ang itinakda sa Martes o March 2 na pagdinig ukol sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bahagi ng Commonwealth sa Quezon City noong February 24.
Nakasaad ito sa abisong inilabas ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa at siyang mangunguna sa pagdinig.
Wala namang nakasaad na petsa sa abiso kung kailan na itutuloy ang pagdinig.
Ang hakbang ng komite ay kasunod ng pahayag ng Malacañang na nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyang-daan muna ang gagawing imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa nabanggit na insidente bago magsagawa ng mga pagdinig ang Senado at Kamara.