Manila, Philippines – Nagkakaisa ang mga senador sa paggiit na hindi dapat matuloy ang nakaambang pagpapalaya kay dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Sina Senate President Tito Sotto III at Senate Minority Leader Franklin Drilon ay naghain pa ng magkahiwalay na resolusyon para imbestigahan ito sa layuning maamyendahan ang Republic Act 10592 o Good Conduct Time Allowance Act.
Hinakayat naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang lahat na magsalita para tutulan ang planong pagpapalaya kay Sanchez.
Katwiran ni Senator Ronald Bato Dela Rosa, ang nakatakdang pagpapalaya kay Sanchez ay patunay ng kahalagahan na maipatupad muli ang death penalty.
Paliwanag ni Dela Rosa, wala na sanang lusot sa batas at nabitay na sana noon pa si Sanchez kung may umiiral na death penalty.
Pinaparepaso naman ni Senator Risa Hontiveros, sa Bureau of Corrections (BuCor) ang basehan ng nakatakdang pagpapalaya kay Sanchez lalo na ang computation ng napagsilbihan nitong sentensya at good behavior.
Diin naman ni Senator Francis Kiko Pangilinan, kahit nagpakita raw si Sanchez ng mabuting asal, ay hindi pwedeng balewalain ang mga kasalanan nito habang nakakulong at kahina-hinala din ang sinasabing pagbabago daw nito.
Para naman kina Senators Bong Go, Panfilo Ping Lacson at Sonny Angara, mas mabuting pagbayaran sa loob ng kulungan ni Sanchez ang matinding kasalanan nito at hindi rin maituturing na good behavior ang nakuha nitong P1.5 million na halaga ng illegal drugs at maluhong buhay sa loob ng Bilibid.