Iginiit ni Senator Imee Marcos na dapat munang managot ang PhilHealth sa nawawalang bilyon-bilyong reserve fund nito bago magdagdag ng singil sa buwanang kontribusyon.
Tanong pa ni Marcos, saan na naman mapupunta ang kokolektahin ng PhilHealth na dagdag singil sa publiko na nagtitiis ngayon sa pandemya.
Tinawag naman ni Senator Francis Kiko Pangilinan na kahibangan at tila nakaw pa more ang itataas na singil ng PhilHealth sa mamamayan na sadsad na sa gastusin.
Giit ni Pangilinan, hindi ngayon ang panahon upang dagdagan ang gastusin ng ating mga kababayan sa kalusugan lalo na’t milyon milyon ang walang trabaho at walang makain.
Ayon kay Pangilinan, sa dami ng inuutang ng gobyerno para sa COVID response ay unahin dapat nila tustusan ang gastos sa para sa kalusugan sa halip na ipasa sa taumbayan.
Umapela naman si Senator Joel Villanueva sa PhilHealth at Social Security System (SSS) na huwag lang umasa sa mga kontribusyon para siguruhin na sapat ang kanilang pondo para sa mga gastusin ng kani-kanilang miyembro.
Paliwanag ni Villanueva, bahagi ng mandato ng mga pamunuan ng PhilHealth at SSS na mag-invest ng tama upang palaguin ang salapi ng mga miyembro nila na siyang gagamitin para tustusan ang mga pension, pautang, at iba pang serbisyo.