Nakatakdang PhilHealth premium hike ngayong taon, pinapasuspinde ng isang kongresista

Hiniling ni Assistant Minority Leader at Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ipagpaliban ang nakatakdang pagtaas sa contribution ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ngayong taon.

panawagan ito ni Brosas kay PBBM kasunod ng abiso ng PhilHealth na batay sa Universal Healthcare o UHC Law ay itataas sa 5% ang kasalukuyang 4% contribution rate ng PhilHealth.

Paliwanag ni Brosas, ang nabanggit na increase ay malaking bawas sa sweldo ng mga manggagawa sa harap ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin.

Ipinunto rin ni Brosas na hindi dapat hayaan ng gobyerno na magtaas ng kontribusyon ang mga Pilipino sa PhilHealth habang wala pang napanagot sa nabunyag na mga korapsyon sa ahensya gaya ng P15 billion na halaga ng Interim Reimbursement Mechanism.

Bunsod nito ay iginiit ni Brosas ang kahalagahan na maisabatas na ang House Bill 408, o panukalang alisin ang probisyon sa UHC law para sa automatic increase ng premium contribution.

Facebook Comments