CAUAYAN CITY- Hindi na maatim ng mga residente ang masangsang na amoy ng isang piggery dahil sa nakatambak at nakatiwangwang na patay na mga baboy sa Purok 1 Brgy. Sinippil, Cauayan City, Isabela.
Sa panayam ng IFM News Team kay Barangay Kagawad Michael Bite, may isang linggo nang nangangamoy ang naturang piggery kung saan personal na idinulog ng mga residente na nakatira malapit sa lugar kay Kapitan ang kanilang reklamo.
Aniya, hindi ito ang unang pagkakataon na may namatay na baboy sa naturang piggery ngunit ngayon lamang ito nangamoy dahil napuno umano ang lagoon na kanilang pinaglalagyan ng mga patay na baboy.
Dagdag pa niya, mas lalong lumalabas ang masangsang na amoy nito tuwing maulan.
Kaugnay nito, nagkaroon naman ng pag-uusap si Kapitan at may-ari ng piggery hinggil sa inirereklamo ng mga residente.
Sa ngayon ay nakikipag-usap ang kanilang hanay sa caretaker ng piggery na pakitingnan ang mga patay na baboy upang hindi na ulit umalingasaw ang masangsang na amoy nito.