Manila, Philippines – Naniniwala ang Presidential Taskforce on Media Security na malaki ang nai-ambag ng inilabas na Administrative Order no. 1. ni Pangulong Rodrigo Duterte para mapababa ang kaso ng media killing sa bansa.
Ang pahayag ay kasunod ng pagkakatanggal ng Pilipinas sa listahan ng top 5 na mga bansang pinakadelikado para sa mga mamamahayag ngayong 2018 batay sa annual report ng “reporters without boarders”.
Ayon kay Presidential Taskforce on Media Security Executive Director Joel Egco – simula nang buuin ang taskforce, mas maging mabilis ang pagtugon ng pamahalaan sa mga kaso hinggil sa media killing at maraming pagbabanta sa buhay ng mga media worker ang naagapan.
Inihalimbawa ni Egco ang kaso ng pag-ambush sa radio broadcaster na si Joey Llana sa Albay noong Hulyo kung saan nakasuhan na ng murder ang suspek.
Itinanggi naman ni Egco ang mga lumalabas na ulat na kaya raw nabura sa listahan ang Pilipinas ay dahil sa pagdami ng patayan sa ibang bansa.
Ngayong taon, tatlo lang ang nailatang media killing sa bansa.
Pasok naman sa top 5 ang Afghanistan, Syria, Mexico, India at United States of America.