
Handang mabigay ng seguridad ang Philippine Navy sa nakatakdang oil exploration at drilling activities sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, nakahanda ang kanilang puwersa na magbigay ng buong suporta at seguridad sa anumang hakbang ng pamahalaan para linangin ang likas na yaman sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Partikular na tinutukoy ni Trinidad ang Phase 4 ng Malampaya Project, kung saan nakatakdang magsagawa ng drilling operations ang 7th generation drillship na Noble Viking.
Kinomisyon ng Prime Energy ang naturang barko para mag-drill ng tatlong bagong butas na magpapalawig pa sa operasyon ng Malampaya Deep Water Gas-to-Power Project.
Bagama’t hindi na idinetalye pa ang buong deployment ng pwersa, tiniyak ni Trinidad na full package ang tulong at proteksyong ibibigay ng Philippine Navy.









