Manila, Philippines – Nakauwi na si dating unang ginang Imelda Marcos matapos na makapaglagak na ng P150,000 na piyansa.
Ito ay habang wala pang naipapalabas na resolusyon ang 5th Division ng Sandiganbayan sa mosyon niya sa post-conviction remedy.
Nawala na kasi ang right to remedy ni Marcos sa ilalim ng Rule 120 ng Rules of court dahil sa hindi niya pagsipot sa promulgation ng kaniyang kaso.
Naunahan ang dapat sana ay pagpapalabas ng warrant of arrest ng anti-graft court laban kay ginang Marcos nang makapagharap ito kahapon ng post-conviction motion.
Itinanggi naman ni Atty. Manuel Lazaro, ang abogado ni Mrs. Marcos na hindi nagkakatugma ang pleadings ng kaniyang abogado sa testimonyo ni Ms. Marcos nang isailalim siya sa pagtatanong ng abogado ng prosekusyon.
Ayon kay Lazaro, parehong tama ang sinagot ni Ms. Marcos na hindi niya alam na magbababa na ng desisyon sa kaso niya at sa pagkakaroon niya ng karamdaman kaya hindi siya nakasipot sa promulgation.
Ayon kay Associate Justice Rafael Lagos, sa sandaling maibasura ang mosyon ni Mrs. Marcos ay dodoblehin ang kaniyang bail bond.
Nang tanungin naman ng media si dating senador Bongbong Marcos kung nakinabang siya sa mga foundation na sinasabing pinaglagakan ng Swiss accounts, hindi ito sumagot.