Manila, Philippines – Matapos ang halos isang buwan na paglalayag mula Maynila patungong Xiamen, China ay matagumpay na nakabalik na ng bansa ang Philippine Balangay Expedition Team.
Sabay-sabay na dumaong sa Manila Yatch club ang tatlong bangka ng Balangay at ang 34- na crew members nito kung saan sinalubong sila ng kanilang mga kaanak, contingent ng Manila Yatch club, Philippine Navy at Philippine Coast Guard.
Kabilang sa mga sumalubong sa Balangay ay si dating Pangulong Fidel Valdez Ramos.
Nabatid na umalis ng Pilipinas ang Philippine Balangay Expedition Team noong Abril 28, 2018 at dumaong muli sa Manila Yatch club ngayong araw na ito, Mayo 22.
Ang 18-metro na mga Balangay ay mga replika ng pre-Hispanic Filipino sea vessels o uri ng transportasyon noong mga sinaunang panahon bago pa sakupin ang Pilipinas ng mga Espanyol.
Ayon kay Arturo Valdez, ang pinuno ng Balangay expedition, ang kanilang paglalayag patungong China ay panunumbalik ng Friendly visit ni Sulu Sultan Paduka Batara sa China noong taong 1417 na naglalayong patatagin ang ugnayan pang-Maritima sa pagitan ng Pilipinas at China.
Aniya ang mga karagatan na kanilang nilayag ay hindi naghihiwalay sa Pilipinas at China bagkus ay nag-uugnay, at ang mga bangka naman ng Balangay ay sumisimbulo ng relasyon ng dalawang bansa.