Manila, Philippines – Ikinalungkot ng Malacañang ang nangyaring paglubog ng passenger fastcraft na MV Mercraft 3 sa karagatan sa pagitan ng Dinahican, Quezon at Polillo Island.
Dahil dito, muling pinaalalahanan ni Presidential Spokesman Harry Roque ang transport officials na gawing mabuti ang kanilang mga trabaho lalo na at inaasahan ang pagdagsa ng mga biyahero ngayong holiday season.
Sinabi pa ni Secretary Roque, nagpapatuloy na ang imbestigasyon para malaman ang totoong dahilan at mapanagot ang sino mang may pagkukulang.
Sa tala naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na lima ang kumpirmadong nasawi at mahigit dalawangdaan ang nailigtas mula sa lumubog na fast craft.
Sa ngayon, puspusan ang rescue operations ng Philippine Coast Guard (PCG) at ayon kay Lt. Commander Victorino Acosta, station commander ng PCG-Northern Quezon, hindi sila titigil kahit pa abutin sila ng Pasko.