Manila, Philippines – Nagpahayag ng pakikiramay ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamilya ng tatlumpu’t limang tao na namatay sa pagbagsak ng Morandi highway bridge malapit Genoa, Italy.
Ayon sa DFA, inaalam pa ng Philippine Consulate General sa Milan kung mayroon mga Pilipino na kabilang sa mga namatay at nasugatan sa trahedya.
Nagpadala na rin si Consul General Irene Susan Natividad ng Welfare Officer at Assistance to Nationals o ATN officer sa Genoa.
Iniulat ng team na isang Filipina at ang kanyang Italyanong asawa ay pinayuhan ng mga awtoridad na lumikas sa kanilang tirahan sa paanan ng tulay dahil ang natitirang bahagi ng istraktura ay maaaring bumagsak.
Binisita na rin ng team ang dalawang ospital na pinagdalhan ng mga namatay at nasugatan, ngunit iniulat na walang pilipinong dinala doon.
Sinabi ng otoridad sa Genoa, ang rescue operations ay patuloy pa rin at ipapaalam nila sa Philippine Consulate General kung may mga pilipino sa mga biktima, pagkatapos na makumpirma na ang mga identities at nationalities ng mga casualties.
Sinabi pa ni Consul General Natividad na patuloy na sinisiyasat ng mga otoridad ang sanhi ng pagbagsak ng tulay, na iniulat na sumasailalim sa maintenance work sa oras ng insidente, na nangyari rin sa panahon ng malakas na pag-ulan.