NAKIRAMAY | DFA nakiramay sa naulilang pamilya ng OFW sa Saudi na biktima ng hit and run

Manila, Philippines – Nagpaabot ng simpatya at pakikiramay si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa pamilya ng OFW na namatay dahil sa pinsalang tinamo nito sa isang hit and run accident sa Jeddah.

Kasabay nito, tiniyak ng kalihim sa pamilya ng 51 taong gulang na construction worker mula sa Butuan City ang tulong sa repatriation ng kanyang labi.

Ang Philippine Consulate General sa Jeddah ay hiniling na sa Saudi authorities na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa pagkamatay ng biktima kasunod ng mga paratang o alegasyon ng kapabayaan ng kanyang employer.


Sinabi ni Consul General Edgar Badajos, ang biktima ay nabangga ng isang sasakyan sa Jeddah nuong June 12 at dinala sa ospital kung saan siya namatay apat na araw ang makalipas.

Sinabi ni Consul General Badajos, aalamin din ng konsulada sa ospital kung saan namatay ang biktima, upang matukoy kung binigay ba ng kanyang employer lahat ng posibleng tulong upang mapanatili siyang buhay.

Facebook Comments