Nagpaabot na ng pakikiramay ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa naulilang pamilya ng isang Pinay na di umano ay pinatay ng sariling asawa sa Sweden.
Sa ulat ng Philippine Embassy sa Norway nangyari ang pagpatay kay Mailyn Conde Sinambong, noong September 23 ng kanyang Swedish actor-husband.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Allan Peter Cayetano nagpasaklolo ang nanay ng biktima na si ginang Maria Monato, at ipinadaan ang paghingi ng tulong sa DFA Consular Office sa Cebu.
Kasunod nito nangako si Cayetano na aasistehan ang naulilang pamilya ni Mailyn at pagkakalooban ng kinakailangang assistance.
Tiniyak din nitong tutulong ang DFA sa pagre-repatriate ng mga labi ng biktima at papanagutin ang may sala.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang Embahada sa Swedish government para mabigyan ng abugado ang pamilya Monato.
Sa pinakahuling impormasyon hawak na ng Swedish authorities ang asawa ni Mailyn na itinuturing na nasa likod ng pagpatay sa biktima.