Manila, Philippines – Nakiusap si Magdalo Partylist Representative Gary Alejano kay Pangulong Duterte na tigilan na ang paggamit sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pulitika.
Giit ni Alejano, isantabi na dapat ni Pangulong Duterte ang pagdawit sa militar para balikan ang kanyang mga kritiko tulad ni Senator Antonio Trillanes.
Maling-mali aniya na idamay sa political persecution ang AFP dahil mayroon umano itong kaakibat na implikasyon sa buong institusyon.
Posible aniyang magkaroon ng tensyon sa AFP dahil inilalagay ni Pangulong Duterte sa alanganing sitwasyon ang mga sundalo.
Nababahala si Alejano na ang pagbawi ng amnestiya na ginawa kay Trillanes ay posible ding gawin sa kanilang mga nag-aklas noong 2003 Oakwood Mutiny at 2007 Manila Peninsula siege.
Dagdag ni Alejano maaari itong magdulot ng “dangerous precedent” sa kanilang mga sundalo na pare-parehong nag-apply din ng amnestiya.