Nakokolektang kontribusyon ng PhilHealth sa OFWs, bumagsak ngayong taon

Inamin ng PhilHealth na bumagsak ang kanilang koleksyon sa kontribusyon ng mga Oversea Filipino Workers (OFWs).

Sa pagtatanong ni Marikina Representative Stella Quimbo sa collection policy ng PhilHealth sa OFWs, inamin ni Overseas Filipino Program Senior Manager Chona Yap na mula sa 3 milyon OFWs na nasa kanilang database ay 320,000 OFWs lamang ang kanilang nakokolektahan ng premium kontribusyon ngayong taon.

Pinuna pa ni Quimbo ang mababang collection rate ng PhilHealth dahil noong 2010 ay nasa 767,000 OFWs pa ang nagbabayad ng kontribusyon at bumagsak ito ngayon sa halos kalahati.


Lumalabas kasi sa pagdinig na mas mataas ang claims ng OFWs kumpara sa kanilang kontribusyon tulad noong 2019 na nasa ₱1.02 billion premium collection sa OFWs pero umabot naman sa ₱1.7 billion ang kanilang claims.

Inamin ni Yap sa Kamara na hirap na hirap silang mangolekta sa OFWs abroad bunsod ng kawalan ng mga opisina o representatives sa ibang bansa.

Paliwanag ni Yap, mayroon lamang silang limang accredited collecting agents sa ibang bansa at partners na local agents na kung saan doon nagbabayad ang OFWs.

Bukod dito, 2015 pa lamang ay hindi na inoobliga ang OFWs na bayaran ang kanilang mga premium bago makakuha ng Overseas Employment Certificate (OEC) para makapagtrabaho abroad.

Hiniling ng PhilHealth na kung matutulungan sila ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ay naniniwala ang ahensya na tataas ang kanilang nakokolektang premium contributions sa OFWs.

Facebook Comments