Nakuha mula sa pag-iingat ni Security Screening Officer Reinielle Alvarez ang $2600 o nasa higit P100,000 perang pag-aari ng isang Taiwanese national sa NAIA terminal 3 noong isang linggo.
Kinumpirma ni Airport Police Inspector Roderick Mejia na nakuha ang nasabing halaga kay Alvarez matapos ang interogasyon na isinagawa dito ng Airport Police Intelligence & Investigation Division.
Una nang itinanggi ni Alvarez at kasabwat nitong si Security Screening Officer Nievel Gorpe na ninakaw nila ang salapi ng Taiwanese national Cheng Chun Shu pero sa kuha ng CCTV camera kitang-kita kung paanong ibinulsa ni Gorpe ang pera.
Sa sinumpaang salaysay naman ni Alvarez inamin nitong nakatanggap siya ng $100 mula kay Gorpe bilang parte, pero sinabi nitong hindi nya alam kung magkaano ang kabuuang halaga ng perang kinuha ni Gorpe mula sa bag ng dayuhan
Sa kabilang banda, kahit na umamin na si Alvarez sa ginawang krimen, sa perang nakuha mula sa kanya at ang CCTV footage tahasan pa ring itinatanggi ni Gorpe ang nasabing krimen.
Kasunod nito iniutos na ni Office for Transport Security head Undersecretary Art Evangelista ang suspensyon sa grupo ni Alvarez na naka-duty noong panahong nawala ang pera ng nabanggit na turista.