Kulang umano ang mga healthcare program at benefits na nakukuha ng mga senior citizen sa Pasig sa ilalim ng pamumuno ng kasalukuyan nitong alkalde na si Vico Sotto.
Pahayag ito ng Federation of Pasig Senior Citizens Association na nagsabing ang isa sa mga pinaka- kailangang serbisyo ng mga matatandang Pasigueño ay ang serbisyong pang-medikal.
Pinaliwanag nito na ang accessibility o ang pagiging abot-kamay ng healthcare program ng lungsod para sa matatanda, katulad ng medical missions na iikot sa mga barangay upang magbigay ng regular na konsultasyon at checkup at iba pang health concern ng mga matatanda ang hindi naibibigay sa kanila ng administrasyon ni Sotto.
Bagaman mayroon umanong ibinibigay na serbisyong medikal ang City Hall, katulad ng iba’t ibang vaccines gaya ng animal bites vaccines, hindi naman umano ito sumasapat sa pangangailangan ng mga senior citizen.
Matatandaan na ang kakulangan ng healthcare services ng LGU para sa mga Pasigueño ang pangunahing dahilan kung bakit dinagsa ng mga nasa laylayan na pamayanan sa Pasig ang medical mission ng St. Gerrard Charity Foundation na pinamahalaan ng pamilya nina Sarah Discaya na kilala sa tawag na Ate Sarah.
Sinabi ni Discaya sa isang panayam na ang pagdagsa ng kanyang mga kababayan sa kanilang walang kapaguran na medical missions ay pa-totoo sa pahayag ng pederasyon ng mga samahan ng senior citizens na kulang na kulang talaga ang healthcare services at kapos kung hindi man walang mga gamot ang mga health center ng lungsod ng Pasig.